Kauna-unahang Mobile Clinic sa Ternate, opisyal nang binuksan

Isang makasaysayang hakbang tungo sa mas abot-kaya at episyenteng serbisyong pangkalusugan ang opisyal na isinagawa sa Bayan ng Ternate matapos pormal na ilunsad ang kauna-unahang Mobile Clinic sa nasabing bayan ay isang proyekto na inaasahang magdudulot ng malaking ginhawa sa mga mamamayang matagal nang kulang sa access sa serbisyong medikal.


Ang naturang inisyatibo ay bunga ng sama-samang pagsisikap ng Toyota Mobility Foundation, Toyota Motors Philippines Foundation, at ng University of the Philippines – Philippine General Hospital (UP-PGH) sa ilalim ng programang Healthcare Mobility for All (HEAL), na layong ilapit ang dekalidad na serbisyong pangkalusugan sa mga komunidad na mahirap marating ng tradisyunal na pasilidad medikal.


Sa halip na ang pasyente ang bumiyahe patungo sa ospital, ang ospital na mismo ang lumalapit sa mamamayan. Ito ang diwa ng Mobile Clinic na isang makabagong solusyon na idinisenyo upang tugunan ang kakulangan ng health facilities lalo na sa mga liblib at geographically isolated areas gaya ng ilang bahagi ng Ternate.


Ayon sa mga tagapagpatupad ng proyekto, malaking tulong ang mobile clinic sa maagang pagtukoy ng sakit, regular na check-up, at agarang konsultasyong medikal, partikular para sa mga senior citizen, buntis, at mga pasyenteng hirap bumiyahe patungo sa malalayong ospital. Bilang bahagi ng programa, isang Toyota Coaster Mobile Clinic ang opisyal na ipinagkaloob sa Lokal na Pamahalaan ng Ternate. Ang sasakyang ito ay hindi ordinaryo dahil ito ay kumpleto sa makabagong world-class medical equipment gaya ng X-ray machine, Electrocardiogram (ECG), at iba pang mahahalagang diagnostic tools na karaniwang matatagpuan lamang sa malalaking ospital.


Dahil dito, inaasahang mas magiging mabilis at episyente ang pagbibigay ng paunang diagnosis at medikal na pagsusuri, na kritikal sa pag-iwas sa mas malulubhang komplikasyon ng sakit. Taos-pusong nagpahayag ng pasasalamat ang Lokal na Pamahalaan ng Ternate sa Toyota Mobility Foundation, Toyota Motors Philippines Foundation, at UP-PGH sa kanilang malasakit at patuloy na suporta sa sektor ng kalusugan ng bayan.


Ayon sa mga opisyal ng bayan, ang Mobile Clinic ay hindi lamang sasakyan o pasilidad dahil ito ay simbolo ng pag-asa, lalo na para sa mga pamilyang kapos sa kakayahang pinansyal at limitadong access sa serbisyong medikal.


Sa paglulunsad ng kauna-unahang Mobile Clinic, nagbukas ang bagong yugto sa serbisyong pangkalusugan ng Bayan ng Ternate. Isa itong patunay na sa pamamagitan ng kooperasyon ng pribado at pampublikong sektor, posibleng makamit ang layuning walang maiiwang Pilipino pagdating sa serbisyong medikal. (Sid Samaniego)