“KASALINAS” Handa na: Kasalang Bayan sa Rosario, magbubuklod ng pag-ibig sa buong Pebrero

Handa na ang bayan ng Rosario sa isang makulay at makabuluhang pagdiriwang ng pag-ibig sa pagsisimula ng “KASALINAS”, ang taunang kasalang bayan na opisyal na magbubukas bukas, Pebrero 3, 2026, sa Munisipyo ng Rosario.


Hindi lamang isang araw na seremonya ang “KASALINAS” kundi isang buong-buwang selebrasyon na tatagal hanggang sa katapusan ng Pebrero.


Bawat araw, limang (5) pares ng magsing-irog ang maglalakad patungo sa dambana ng pangako at pag-ibig upang bigkisin ang kanilang pagsasama sa harap ng batas at ng komunidad. Isa sa mga tampok na bahagi ng kasalang bayan ay ang “red carpet walk” ng bawat pares.


Sa dulo ng pulang alpombra, sasalubong sa kanila ang makabuluhang mensahe ng “Faith, Hope, and Love”, na magsisilbing pundasyon ng kanilang pagsasama bilang mag-asawa.


Dagdag-romansa sa selebrasyon ang espesyal na photo booth na napapalibutan ng makukulay na bulaklak, na magsisilbing opisyal na lugar para sa mga litrato at alaala ng bawat bagong kasal.


Habang isinasagawa ang seremonya, lalong magiging makabuluhan ang bawat sandali dahil ang background music na maririnig ay ang mismong “team song” ng bawat pares ng ikakasal—mga awiting may personal na kahulugan sa kanilang relasyon at nagsisilbing himig ng kanilang paglalakbay bilang magkasintahan patungo sa pagiging mag-asawa.


Pangungunahan mismo ni Rosario Mayor Jose Voltaire V. Ricafrente ang makabuluhang seremonya, bilang patunay ng patuloy na suporta ng lokal na pamahalaan sa pagpapahalaga at pagpapatatag ng institusyon ng pamilya. Bilang dagdag-saya sa okasyon, inihayag ng pamahalaang lokal na may magandang sorpresa na naghihintay sa bawat pares ng ikakasal—isang biyayang magsisilbing alaala sa kanilang bagong yugto ng buhay mag-asawa.


Ang “KASALINAS” ay hindi lamang kasalang bayan kundi isang patunay na sa Rosario, ang pag-ibig ay ipinagdiriwang nang may dignidad, malasakit, at tunay na pagmamahal—araw-araw, sa buong buwan ng Pebrero. (Sid Samaniego)