Estudyante mula Cavite, paparangalan sa Southeast Asian Achievement Awards

Sa murang edad na 17, patuloy na pinatutunayan ni Janelle Mica Pugeda, Grade 12 STEM student ng Rosario Institute, na ang tunay na kagandahan ay hindi lamang nasusukat sa anyo kundi sa layunin at malasakit sa kapwa.


Siya ang bunso sa apat na magkakapatid at nag-iisang babae, bagay na humubog sa kanyang katatagan, disiplina, at malasakit sa pamilya.


Ngayong taon, isang malaking karangalan ang matatanggap ni Janelle sa 11th Southeast Asian Achievement Awards, kung saan siya ay pararangalan ng Ultimate Icon of Beauty and Runway Distinction Award of Excellence.


Ang prestihiyosong pagkilalang ito ay bunga ng kanyang dedikasyon sa mundo ng modeling at pageantry, gayundin ng kanyang malinaw na adbokasiya para sa buhay at kabutihan.


Siya ay opisyal na nominado ni Roberth Gallardo III ng Modelo Icons Management, na nakakita ng kanyang potensyal at makabuluhang impluwensya bilang isang kabataang lider.


Bilang isang model at beauty queen, malinaw ang paninindigan ni Janelle: ang tunay na ganda ay lampas sa pisikal na anyo.


Para sa kanya, ito ay makikita sa paraan ng paggalang sa buhay, pag-angat sa kapwa, at pagprotekta sa mga taong madalas makaramdam na sila’y hindi napapansin. Ginagamit niya ang kanyang plataporma upang itaguyod ang self-worth, mental health awareness, at kabutihan, palaging ipinapaalala na ang bawat buhay ay may halaga—lalo na sa mga sandaling pinakamabigat ang pinagdaraanan.


“Choosing life means choosing hope, empathy, and purpose,” ayon kay Janelle.


Kung mabibigyan ng mas maraming pagkakataon, patuloy niyang gagamitin ang kanyang boses upang magbigay inspirasyon sa iba na pahalagahan ang buhay, simula sa kanilang sarili.


Isang mensahe rin ang nais niyang ipaabot sa kanyang kapwa estudyante at sa mga kabataang tumitingala sa kanila:


“Your life matters, exactly as you are. You don’t have to be perfect to be worthy. Ang iyong mga pagkukulang, pagkakamali, at pinagdaraanan ay bahagi ng kung bakit ka natatangi at matatag. Yakapin mo ang sarili mo, maging mabait ka sa iyong sarili, at huwag ikahiya ang iyong mga imperpeksyon— patunay ang mga ito na ikaw ay tao, patuloy na lumalago, at buong-buhay.”


Ang kanyang mga magulang ay nagsilbing matibay na haligi ng kanyang mga pangarap. Ang kanyang ama ay isang Production Manager sa Danam Philippines Inc., habang ang kanyang ina naman ay Barangay Treasurer ng Barangay Wawa II—mga propesyong nagpakita kay Janelle ng halaga ng sipag, serbisyo, at responsibilidad sa komunidad.


Si Janelle Mica Pugeda ay hindi lamang reyna sa entablado. Siya ay tinig ng pag-asa, larawan ng kabataang may direksyon, at patunay na ang ganda na may layunin ay may kapangyarihang magbigay-liwanag sa marami. (sid samaniego)