Isang makabuluhang pagsalubong sa Bagong Taon ang isinagawa ng Samahan ng Labac Pawikan Patrollers (SLPP) noong Enero 1, 2026 sa Barangay Labac, Naic, Cavite nang 217 pawikan hatchlings ang pinakawalan pabalik sa dagat upang simulan ang kanilang buhay sa natural na tirahan.
Ang mga batang pawikan, na kabilang sa Olive Ridley species, ay unang inalagaan ng mga pawikan patrollers matapos silang matagpuan sa baybayin noong Oktubre 31, 2025.
Pinangalagaan ang mga itlog sa kanilang hatchery para maiwasan ang panganib mula sa mga predator at masiguro ang mas mataas na pagkakataon na mapisa ang mga ito.
Sinaksihan ang ceremonial release ng mga hatchlings ng mga lokal na pinuno kabilang ang dating kapitan del baryo ng Labac na si Roger Bilugan, pati na rin ng ilang mga opisyal ng Cavite police. Ayon kay Bilugan, ang pagpapakawala ng mga pawikan ay simbolikong mensahe ng pag-asa at pagmamahal sa kalikasan para sa bagong taon.
Ayon sa SLPP, mula pa noong Setyembre 2025 ay umabot na sa 106 na naitalang pugad (nest holes) ng pawikan sa kanilang talaan, na nagpapakita ng aktibong itinataguyod na nesting at conservation efforts sa lugar. Ang ganitong mga aktibidad ay mahalaga para sa pagtulong sa pagpreserba ng mga pawikan, na kabilang sa mga nanganganib na species at nangangailangan ng proteksyon para sa kanilang patuloy na pag-iral.
Ang pagpapakawala ng pawikan hatchlings ay isa ring paalala ng kahalagahan ng pangangalaga sa marine biodiversity at ng aktibong pakikilahok ng mga lokal na komunidad sa konserbasyon ng kapaligiran. (sid samaniego)
